Sunday 22 July 2012

Paghuhusga


Source: http://pablobanila.tumblr.com/post/12154316562/jose-garcia-villa-the-emperors-new-sonnet-1942

Ang nakikita ng mata ang siyang pinaniniwalaan. Nang pinakita sa klase namin ang tulang The Emperor’s New Sonnet, nalito ako kung bakit tinatawag itong tula nang wala naman itong mga salita kundi ang pamagat lamang. Ngunit gawa ito ni Jose Garcia Villa, isa sa mga magagaling na makata sa Pilipinas, kaya siguro itinuturing ito bilang isang biswal na tula na may malalim na interpretasyon.


Kung pag-iisipan, hindi lamang pala blangko ang tulang ito. Pinagsasabihan nito ang mga taong walang sariling saloobin sa kung ano ang maganda at kadalasan ay umaasa sa mga pasya ng iba bago gumagawa ng sarili. Ipinapakita nito sa mga mambabasa na kailangan din nating tumingin sa mga bagay nang inosente tulad ng bata para makita natin ang totoong kagandahan na malaya sa mga panlipunang paniniwala na nag-iimpluwensiya sa ating pananaw.


Sa kabila ng interprasyon ng tula, napaisip din ako ng ibang isyu na may kinalaman din ng karamihan. Itinuturing ng mga tao ang kagandahan base lamang sa panglabas na anyo o hitsura ng isang bagay. Gawin natin halimbawa ang tulang ito. May mga taong mapapanganga lamang at iisipin na niloloko lamang sila dahil para sa kanila ang isang tula ay dapat naglalaman ng mga salita. Hindi nila naiisip na may mas malalim na kahulugan pala ang pagiging blangko nito.



Source: http://yogapeach.com/2012/06/10/i-wish-judgements-did-not-exist/


Hindi lamang bagay ang hinuhusgahan ng panglabas na anyo kundi mga tao rin. Kadalasan ang unang impresyon natin sa mga tao ay base sa  kanilang hitsura o kasuotan. Halimbawa, kung may dalawang tao na pumasok sa isang mamahiling tindahan—isang nakabihis-mayaman at isang nakasimpleng kasuotan lamang—sino sa tingin mo ang unang papansinin ng tindera? Hindi ba’t ang mukhang mayaman? Ito ang kadalasang nangyayari sa ating kapaligiran.


Isa pang halimbawa ay may kinalaman sa mga masasamang pangyayari sa lipunan natin ngayon.  Ang madalas na nanloloko ng kapwa ay disente ang hitsura na akala mo ay mapagkakatiwalaan ngunit magnanakaw pala.


Samakatuwid, hindi tayo dapat humatol nang padalos-dalos. Wala sa panglabas na kaanyuan nakikita ang pagkatao natin. Sapagkat sa bandang huli, ang paghuhusga mo sa kapwa mo ay hindi tungkol sa kanila kundi sumasalamin sa iyong pagkatao.


Source: http://www.youtube.com/watch?feature=endscreen&NR=1&v=wgxSK6doGh4





Sunday 15 July 2012

Mutya sa Biyernes A-Trese







          Noong nakaraang Biyernes, Hulyo 13, ay araw na nagkataong a-trese ng Biyernes o Friday the 13th. Bagamat hindi ako naniniwala sa mga kasabihan, may mga nangyari sa akin na sa pakiwari ko malas. Sinimula ko ang araw na wala sa isip ang Friday the 13th.  Ngunit biglang umulan ng sobrang lakas nang pabalik na kami ng aking blockmates sa Katipunan pagkatapos naming kumain. Hindi kami makahanap ni isang tricycle, kaya matiyaga kaming naglakad sa ulan. Sa araw din itong nasira ang aking payong at sobrang nabasa ako sa ulan. Kahit na nainis ako sa ulan at muntik na kaming mawalan ng mga upuan, nagustuhan ko naman ang nakakatuwang dulang ito noong gabing iyon.






           Sa halip ng pagiging Friday the 13th, pangangailangang manood ang aming klase sa Fil11 ng produksyong Mutya para sa 30th anibersaryo ng Ateneo Entablado. Nagtatampok ang Mutya ng dalawang dula, Mga Santong Tao at Ang Sistema ni Propesor Tuko.





Ang unang dulang ipinalabas, Mga Santong Tao, ay isang dulang tungkol sa mag-asawang sina Titay at Ambrosio at ang plano nilang lokohin ang tatlong makapangyarihang lalaki sa lipunan---ang kura, ang sakristan mayor, at ang piskal para sa pera. Makikita sa kwento ang plano ni Titay sa pagamit ng mga nais ng tatlong lalaki para sa sariling kapakanan. Sa umpisa ay hindi ko maintindihan kung tungkol saan ang kwento, subalit habang pinapanood ko ay unti-unti ko ring naiintindihan.  Ang tema ng dula ay makaluma at ang kasuotan ng mga tauhan ay barong at baro’t saya.  Magagaling silang lahat dahil sobrang makatotohanan ang kanilang pag-arte. Ang isang napansin ko sa palabas na ito ay ang pagiging mature nito na hindi ito pwedeng basta basta panoorin ng mga bata. Ngunit, dahil sa pagiging pagka-mature nito, nakakaaliw at nakakatawa ang dating sa mga nanonood.  Sobrang madamdamin ang pag-arte nila na para talagang nasa lumang panahon kung saan ang gamit pang salita ay ang mga malalalim na Tagalog kaysa sa Taglish na ginagamit natin ngayon. Ang hindi magandang aspekto ng dula para sa akin ay ang sobrang paggamit ng bulgar na salita at mga aksyon. Siguro ganito pananaw ko dahil hindi ako sanay makarinig at makakita ng ganitong bagay. Sa pangkalahatan, nakakatuwa pa rin ang dulang ito.




Ang Sistema ni Propesor Tuko ay ang pangalawang dulang pinanood namin. Isa itong komedyang dula na pinipintasan ang sistema ng edukasyon ng Pilipinas. Ang tagpuan nito ay sa silid-aralan ni Propesor Tuko kung saan ang kanyang apat na estudyante, sina Bodyok, Ningning, Bondying, at Kiko, ay nagsisikap matuto sa kabila ng makalumang pamamaraan at pagiging diktador sa pagtuturo ni Propesor Tuko. Sa kwentong ito, ipinapakita kung paano magtulungan ang mga mag-aaral upang tigilan ang pamamaraan ng pagtuturo ni Propesor Tuko. Mas nagustuhan ko ang dulang ito kaysa sa nauna dahil sa tema na mas moderno kumpara sa naunang makalumang dula. Higit sa lahat, ito ay dahil sa gumanap na katauhan ni Propesor Tuko. Ang tauhang ito ay ang klaseng propesor na nasa isip niya na siya ay palaging tama dahil sa haba ng kanyang karanasan bilang guro. Lagi niyang sinusunod ang kanyang paraan ng pagtuturo at hindi nagbubukas ang kanyang isip sa pagbabago. Bagamat inilalarawan ni Propesor Tuko ang pagiging seryoso, strikto, at nakakatakot na guro, nagawa naman nitong maging katawa-tawa ang kanyang pag-arte. Dahil dito, nakakaaliw ang dulang itong panoorin. Kahit isa itong komedya, maraming ding mga aral ang matututunan sa kwento. Isa na rito ay hindi hadlang ang kahirapan sa sinumang gustong matuto. Ipinapakita rin sa kwento na hindi sapat ang pondo na nilalaan ng gobyerno sa edukasyon. Ipinahiwatig ito sa kakulangan ng mga pasilidad sa loob ng paaralan at ang hindi sapat na sahod ni Propesor Tuko.



Sa umpisa, ang panonood ng Mutya ay isang pangangailangan lamang na dapat gampanan. Inakala ko rin na ito ay isang palabas na nakakainip. Subalit nagkamali ako, dahil natuwa ako sa pagnood dito at marami rin akong natutunan.




Friday the 13th picture: 
http://albanykid.com/2012/01/13/friday-phobia-facts/

Mutya pictures: 
http://theaterati.tumblr.com/post/27113145880/ateneo-entablado-presents-its-30th-season-opener-mutya