Source: http://pablobanila.tumblr.com/post/12154316562/jose-garcia-villa-the-emperors-new-sonnet-1942
|
Ang
nakikita ng mata ang siyang pinaniniwalaan. Nang pinakita sa klase namin ang
tulang The Emperor’s New Sonnet,
nalito ako kung bakit tinatawag itong tula nang wala naman itong mga salita
kundi ang pamagat lamang. Ngunit gawa ito ni Jose Garcia Villa, isa sa mga
magagaling na makata sa Pilipinas, kaya siguro itinuturing ito bilang isang
biswal na tula na may malalim na interpretasyon.
Kung
pag-iisipan, hindi lamang pala blangko ang tulang ito. Pinagsasabihan nito ang
mga taong walang sariling saloobin sa kung ano ang maganda at kadalasan ay
umaasa sa mga pasya ng iba bago gumagawa ng sarili. Ipinapakita nito sa mga
mambabasa na kailangan din nating tumingin sa mga bagay nang inosente tulad ng
bata para makita natin ang totoong kagandahan na malaya sa mga panlipunang
paniniwala na nag-iimpluwensiya sa ating pananaw.
Sa kabila ng
interprasyon ng tula, napaisip din ako ng ibang isyu
na may kinalaman din ng karamihan. Itinuturing ng mga tao ang kagandahan base
lamang sa panglabas na anyo o hitsura ng isang bagay. Gawin natin halimbawa ang
tulang ito. May mga taong mapapanganga lamang at iisipin na niloloko lamang sila
dahil para sa kanila ang isang tula ay dapat naglalaman ng mga salita. Hindi
nila naiisip na may mas malalim na kahulugan pala ang pagiging blangko nito.
Hindi lamang bagay
ang hinuhusgahan ng panglabas na anyo kundi mga tao rin. Kadalasan ang unang
impresyon natin sa mga tao ay base sa kanilang hitsura o kasuotan. Halimbawa, kung
may dalawang tao na pumasok sa isang mamahiling tindahan—isang
nakabihis-mayaman at isang nakasimpleng kasuotan lamang—sino sa tingin mo ang
unang papansinin ng tindera? Hindi ba’t ang mukhang mayaman? Ito ang kadalasang
nangyayari sa ating kapaligiran.
Isa pang halimbawa
ay may kinalaman sa mga masasamang pangyayari sa lipunan natin ngayon. Ang madalas na nanloloko ng kapwa ay disente
ang hitsura na akala mo ay mapagkakatiwalaan ngunit magnanakaw pala.
Samakatuwid, hindi
tayo dapat humatol nang padalos-dalos. Wala sa panglabas na kaanyuan nakikita
ang pagkatao natin. Sapagkat sa bandang huli, ang paghuhusga mo sa kapwa mo ay
hindi tungkol sa kanila kundi sumasalamin sa iyong pagkatao.