Paki-click na lang ang larawan para lumaki. :)
Saturday, 6 October 2012
Saturday, 29 September 2012
Ang Ebolusyon ng Panunuyo
Sa pagbasa ko ng Suyuan ng Tubigan sa Fil 11 at ng graphic nobelang Don’t Touch Me, Honey, naliwanagan sa aking paningin ang malaking pagbabago ng panliligaw sa dating panahon kumpara sa kasalukuyan. Kung dati nagtatagal ng ilang linggo, buwan, o maging taon ang panliligaw ng lalaki bago ibigay ng babae ang kanyang matamis na “oo,” ngayon puwede nang tumagal lamang ang panliligaw sa loob ng isa o dalawang linggo. Kung dati sa bahay lamang ng babae puwedeng umakyat ng ligaw ang isang lalaki, ngayon puwede na kahit saan makapanligaw ang lalaki sa isang babae. Maaari nang makapanligaw ngayon sa paaralan, sa mall, sa mga kainan, sa parke, at kung saan pa. Maari na ring manligaw ang isang babae sa lalaki, isang bagay na mahirap isipin na magagawa noong unang panahon.
Ang Tradisyonal na Panliligaw
Stage 1: Pagpaalam sa magulang
Magpapaalam muna ang manliligaw na lalaki sa tatay ng nililigawan na babae kung puwedeng bumisita sa kanilang bahay.
Stage 2: Get-to-know stage ng manliligaw sa pamilya ng nililigawan
Kapag pinayagan, pupunta ang lalaki sa bahay ng babae at ipapakilala ng magulang ang kanilang anak. Dapat may dalang mga pasalubong ang manliligaw para sa pamilya ng kanyang nililigawan at sa nililigawan mismo, dahil ang panliligaw ay ginagawa hindi lamang sa babae kundi pati na rin sa pamilya nito. Hindi iniiwanan nang mag-isa ang magkasintahan at palagi may tsaperon ang babae.
Stage 3: Paninilbihan at Harana
Pagkatapos ng unang bisita, dito magsisimula ang totoong panliligaw ng lalaki sa babae. Maninilbihan siya sa pamilya ng babae para ipakita sa kanila at sa babae ang kanyang matapat at taos-pusong intensyon at pagmamahal para sa babae. Ilang halimbawa ng paninilbihan ay ang pagsibak ng kahoy na panggatong, pag-igib ng tubig mula sa balon, atbp.
Sa gabi, manghaharana ang lalaki sa labas ng bahay ng babae kasama ang kanyang mga kaibigan bilang back-up. Kakanta at maghihintay sila hanggang pagbuksan ng babae ang bintana at imbitahin sila sa loob ng bahay. Kadalasan kasama ng dalawang nagliligawan ang kanilang mga kaibigan o pamilya. Itinuturing na hindi angkop ang pag-iwan ng isang ‘di kasal na magkatipan nang mag-isa kahit ano man ang kanilang edad.
Stage 4: Pagtanggap ng babae
Pagkatapos ng mahabang panahon ng paninilbihan at mga harana, sa wakas puwede nang tanggapin ng babae ang pag-ibig ng lalaki. Sa estadong ito, puwede na silang magsimulang mag-date sa publikong lugar pero lagi pa ring may kasamang tsaperon. Pupunta pa rin sa bahay ng babae ang lalaki para manilbihan sa pamilya ng minamahal na babae.
Stage 5: Pamamanhikan o Paghingi ng Kamay
Kung sa palagay ng lalaki ay handa na siyang lumagay sa tahimik, pupunta siya sa bahay ng babae kasama ang kanyang mga magulang para hingin ang kamay ng babae sa mga magulang nito. Magdadala rin sila ng maraming pagkain at regalo bilang dote para ibigay sa mga magulang ng babae. Ang dalawang pamilya ay hahantong sa isang kasunduan at sila ang magpaplano ng kasal.
Sa Pilipinas, ang pamilya ng lalaki ay ang nagbibigay ng dote at hindi ang pamilya ng babae. Ito ay dahil binibigyan ng mataas na halaga ang kababaihan sa ating lipunan at hindi madali para sa magulang ang ipakasal ang kanilang dalaga.
Ang Modernong Panliligaw
Stage 1: Magkaibigan
Kadalasan, magiging magkaibigan muna ang lalaki sa babae at makikiramdam kung may pagtingin din ang babae sa kanya. Lalabas muna sila bilang barkada kasama ang iba pang mga kaibigan hanggang sa madalas na silang magkatabi at nagkukuwentuhan tuwing lalabas ang grupo.
Stage 2: Mag-MU (“Mutual Understanding”)
Ito ay isang relasyon na higit sa kaibigan pero hindi pa “sila”. May pagtingin sila sa bawat isa subalit malaya silang makipagkilala sa iba at wala silang obligasyon na maging tapat sa isa’t isa. Hindi rin kailangang magpaalam kung may gagawin o pupuntahan ang isa.
Stage 3: “Sila na.”
Kung sinagot na ng babae ang lalaki, ang dalawang ito ay magkasintahan na. Kilala rin ito sa tawag na “sila na.” Ito ang estado kung saan mayroon ng commitment ang dalawang nag-iibigan. Hindi na puwedeng makipag-date ang lalaki sa ibang babae samantalang ang babae naman ay hindi na puwedeng tumanggap ng ibang manliligaw.
Sa paglipas ng panahon, umiba na talaga ang panliligaw.
Ang pagpapahayag ng pag-ibig at panliligaw na dinadala sa paninilbihan at harana ay ginagawa ngayon sa pamamagitan ng pagtetext sa cellphone at pagchachat ng online sa internet.
Mas mabilis na ngayon nangyayari ang panliligaw. Naging mas impormal na ito. Ang mga binata at dalaga ngayon ay hindi na nangangailangang magpaalam sa kanilang magulang upang lumabas. Ang mga babae na nga kung minsan ang naghahabol sa mga lalaki. Kadalasan, ang mga boyfriend at girlfriend ay kumikilos nang parang mag-asawa na. Sa madaling salita, umiigsi ang estado ng ligawan sa pagitan ng isang babae at lalaki at lumalabas na parang hindi na gaanong nabibigyan ng kahalagahan ang kultura ng panliligaw.
Noon, ang mga magulang ang unang nakakaalam sa mga manliligaw ng anak nilang babae at pati sila ay nililigawan din. Ngunit ngayon, sila na ang huling nakakaalam.
Ang pag-ibig at panliligaw noon ay sagrado. Sa kasalukuyan, ang moralidad ay napunta sa isang tabi at ang kabataan ay naging mas liberal sa kung ano man ang gusto nilang gawin.
Sunday, 23 September 2012
Level-up
Level-up
(v.)
1. Paggawa ng isang
bagay na nagpabuti o nagpatagumpay sa buhay
Madalas na ginagamit ang salitang
“level-up.” Ilang mga halimbawa ng pag-level-up ay:
Promosyon sa trabaho
Pagtaas ng marka
Pagkaroon ng kasintahan
Sa paglipas ng panahon, lumelevel-up na
rin ang mundo sa maraming paraan.
Kung dati puro papel at lapis ang
ginagamit sa pagsusulat sa klase, ngayon mga laptop at tablet na ang
makikitang hawak ng mga mag-aaral sa silid-aralan.
Hindi
lang ang mga mag-aaral ang lumelevel-up, kundi ang mga guro rin. Dati ay
sinusulat lang nila ang talakayan sa pisara. Ngayon, gamit ang laptop o tablet, ipinipresenta nila ang aralin sa pamamagitan ng projector sa loob ng klase.
Kahit
ang mga level-up na ito ay nagpapadali at nagpapabuti ng buhay sa
panahong ito, hindi
lahat ng level-up ay pag-asenso.
Sa “bagong birtuwal na pag-iral,” may
ikalawang kahulugan ang salitang level-up.
Level-up
(v.)
1. Paggawa ng isang
bagay na nagpabuti o nagpatagumpay sa buhay
2. Kapag
ang isang player ng isang video game ay kumita ng sapat na puntos
sa karanasan (experience points)
upang makakuha ng isang bagong antas sa isang kasanayan o mga kasanayan.
Madalas ay sinasamahan ng kakayahang makakuha ng bagong armas, i-access ang mga
bagong lugar, o magsimula ng mga bagong asignatura.
Marami ay nakakalevel-up at nagkakamit
ng mataas na kapangyarihan upang maging hero
sa birtuwal na mundo. Puwede ngang makakuha ng mataas na antas sa birtuwal na mundo kagaya ng level 150 sa Ragnarok o level 25 sa DOTA, samantala lubha sa karaniwan—nahihirapan sila sa
pagsusulit, daskol na gumagawa ng takdang-aralin, bumabagsak, atbp. Pansamantala
lamang ang level-up sa birtuwal dahil kailangang magising at harapin na ang
level-up sa birtuwal ay hindi level-up sa realidad.
Bagaman naglelevel-up na tayo sa
kasalukuyan, sana patuloy tayong makalevel-up (hindi lamang sa birtuwal pero sa
totoong buhay din) sa darating na panahon.
Mga sanggunian:
Saturday, 8 September 2012
Mga Aksiyon at Kaganapan sa mga Filipino Teleserye
Base sa naisulat ng kritikong si
Isagani Cruz tungkol sa mga aksiyon at kaganapan sa mga Filipino aksiyon films,
napansin ko rin na may pagkakaganito rin ang mga Filipino drama o teleserye.
Sa tingin ko, naging parte na ng
buhay ng maraming Filipino na panoorin gabi-gabi ang mga telenovela. Subalit
ngayon, hindi na puro lokal ang mga dramang pinapalabas dito sa Pilipinas.
Pinasukan na ng mga Korean drama o mas kilala sa tawag na Koreanovela dito
sa ating bansa. Ang malala dito ay kahit iba ang wika nito, mas tinututukan na
ngayon ang mga Koreanovelang ito kaysa sa sarili nating lokal
na teleserye. Bakit nga ba nababawasan ang mga nanonood ng mga Filipinong
teleserye? Malinaw na hindi ito dahil sa wika, kung hindi dahil nagiging predictable na
ang mga Filipino teledrama at dahil dito nakakainip nang panoorin.
Ito ay ang mga tipikal na
pangyayari na makikita mo sa mga Filipino teledramas:
1. Karaniwan
ay mahirap ang bida at mayaman ang kontrabida o mahirap ang bida at mayaman ang love
interest.
2. Makikilala
ng bida ang kanyang love interest.
3. Magkakagusto
rin ang kontrabida sa love interest ng bida.
4. Aapihin
ng kontrabida ang bida at pahihirapan ang kanyang buhay.
5. Madadagdagan
ang mga problema ng bida.
6. Matutuklasan
ng bida ang sekreto tungkol sa sarili. (Ampon lang pala siya, magkapatid pala
sila ng kontrabida, nagkapalit sila ng pamilya ng kontrabida, atbp.)
7. May
masamang mangyayari sa bida. (Madidisgrasya, magkakaroon ng amnesiya,
papatayin, atbp.)
8. Isusugod
sa ospital ang bida.
9. At
siyempre hindi mawawala ang happy ending sa mga Filipino
teleserye. (mabubuhay ang bida, magkakatuluyan sila ng kanyang love
interest, makukulong/mamamatay ang kontrabida, atbp.)
Ito naman ang mga kadalasang
nagiging plot ng mga Filipino teledramas:
1. Magkakapalit
ng posisiyon ang bida at kontrabida.
2. Ang
isang anak na mayamang pamilya ay mawawala dahil sa isang aksidente at makukuha
ng isang mahirap pero mapagmahal na pamilya. Sa tamang panahon, malalaman din
niya ang katotohanan at mamumuhay nang happily ever after.
3. Sa
umpisa ay walang problema ang bida, pero magkakaroon siya ng amnesiya dahil sa
isang aksidente. Kung mayaman ang bida, makakalimutan niya ang pagiging mayaman
niya at sisiguraduhin ng kontrabida na hindi niya ito maaalala. Kung pareho
naman ang nagustuhang love interest ng bida at kontrabida pero
napili ang bida, nanakawin ng kontrabida ang love interest nito.
4. Kadalasan
din ang kontrabida ay ang kamag-anak ng bida. Puwede itong maging tita, lola, o
step-mother, at kadalasan nga ay babae. Ang dahilan kung bakit inaapi ng mga
kontrabidang kamag-anak ang mga bida (karaniwan ay bata) ay para nakawin ang
kayamanan o mana ng kanyang pamilya. Bilang kontrabida, kailangan ding sampalin
niya ang bida sa isang eksena at humalakhak nang masama kapag nagpaplano nang
‘di maganda para sa bida.
5. Ang
bida at ang kanyang love interest ay magkaiba ng buhay.
Puwedeng galing probinsiya si bida at galing lungsod naman si love
interest o simpleng mahirap ang bida at mayaman ang love
interest. Ngunit gaano man karaming problema o tatanggi (kadalasan ang
mga magulang ng mayamang love interest) sa kanilang relasyon,
magkakatuluyan pa rin sila sa huli. Yung tipong Cinderella story na
ginawang Pinoy.
Ang mga binanggit ko rito ay kaunti
lamang sa maraming pattern na nakikita sa isang tipikal na Filipino teleserye.
Kahit gaano man katipikal o ka-predictable ang mga dramang ito, lagi itong
magiging parte ng ating kultura bilang Pilipino. Binigyan tayo nito ng
pagkakataong tumawa, umiyak, makilig, at mainis sa mga bida at kontrabida. May
ilan ding mga leksiyon tayong nakuha sa mga palabas na ito. Pero higit sa
lahat, binigyan tayo ng pagkakakilanlan bilang Pilipino, ang pagiging maawain,
mapagmahal, positibo, at iba pa.
Mga Larawan:
http://www.showbiz-portal.com/2010/10/mara-clara-pictures.html
http://tvnetworkwar.blogspot.com/2010/11/magkaribal-beats-imortal-snatches-top.html
http://movie-posters.lucywho.com/princess-and-i-movie-posters-t8692129.html
http://stellarqueen.tumblr.com/post/1006481510/tatlumput-isang-araw-ng-pananagalog-sa-tumblr
Subscribe to:
Posts (Atom)