Saturday, 8 September 2012

Mga Aksiyon at Kaganapan sa mga Filipino Teleserye



Base sa naisulat ng kritikong si Isagani Cruz tungkol sa mga aksiyon at kaganapan sa mga Filipino aksiyon films, napansin ko rin na may pagkakaganito rin ang mga Filipino drama o teleserye.

Sa tingin ko, naging parte na ng buhay ng maraming Filipino na panoorin gabi-gabi ang mga telenovela. Subalit ngayon, hindi na puro lokal ang mga dramang pinapalabas dito sa Pilipinas. Pinasukan na ng mga Korean drama o mas kilala sa tawag na Koreanovela dito sa ating bansa. Ang malala dito ay kahit iba ang wika nito, mas tinututukan na ngayon ang mga Koreanovelang ito kaysa sa sarili nating lokal na teleserye. Bakit nga ba nababawasan ang mga nanonood ng mga Filipinong teleserye? Malinaw na hindi ito dahil sa wika, kung hindi dahil nagiging predictable na ang mga Filipino teledrama at dahil dito nakakainip nang panoorin.

Ito ay ang mga tipikal na pangyayari na makikita mo sa mga Filipino teledramas:

1.      Karaniwan ay mahirap ang bida at mayaman ang kontrabida o mahirap ang bida at mayaman ang love interest.

2.      Makikilala ng bida ang kanyang love interest.

3.      Magkakagusto rin ang kontrabida sa love interest ng bida.

4.      Aapihin ng kontrabida ang bida at pahihirapan ang kanyang buhay.

5.      Madadagdagan ang mga problema ng bida.

6.      Matutuklasan ng bida ang sekreto tungkol sa sarili. (Ampon lang pala siya, magkapatid pala sila ng kontrabida, nagkapalit sila ng pamilya ng kontrabida, atbp.)

7.      May masamang mangyayari sa bida. (Madidisgrasya, magkakaroon ng amnesiya, papatayin, atbp.)

8.      Isusugod sa ospital ang bida.

9.       At siyempre hindi mawawala ang happy ending sa mga Filipino teleserye. (mabubuhay ang bida, magkakatuluyan sila ng kanyang love interest, makukulong/mamamatay ang kontrabida, atbp.)


Ito naman ang mga kadalasang nagiging plot ng mga Filipino teledramas:

1.   Magkakapalit ng posisiyon ang bida at kontrabida. 

Mara Clara


2.   Ang isang anak na mayamang pamilya ay mawawala dahil sa isang aksidente at makukuha ng isang mahirap pero mapagmahal na pamilya. Sa tamang panahon, malalaman din niya ang katotohanan at mamumuhay nang happily ever after.

Magkaribal

Princess and I

3.   Sa umpisa ay walang problema ang bida, pero magkakaroon siya ng amnesiya dahil sa isang aksidente. Kung mayaman ang bida, makakalimutan niya ang pagiging mayaman niya at sisiguraduhin ng kontrabida na hindi niya ito maaalala. Kung pareho naman ang nagustuhang love interest ng bida at kontrabida pero napili ang bida, nanakawin ng kontrabida ang love interest nito.

Maria la del Barrio


4.   Kadalasan din ang kontrabida ay ang kamag-anak ng bida. Puwede itong maging tita, lola, o step-mother, at kadalasan nga ay babae. Ang dahilan kung bakit inaapi ng mga kontrabidang kamag-anak ang mga bida (karaniwan ay bata) ay para nakawin ang kayamanan o mana ng kanyang pamilya. Bilang kontrabida, kailangan ding sampalin niya ang bida sa isang eksena at humalakhak nang masama kapag nagpaplano nang ‘di maganda para sa bida.

Trudis Liit

5.   Ang bida at ang kanyang love interest ay magkaiba ng buhay. Puwedeng galing probinsiya si bida at galing lungsod naman si love interest o simpleng mahirap ang bida at mayaman ang love interest. Ngunit gaano man karaming problema o tatanggi (kadalasan ang mga magulang ng mayamang love interest) sa kanilang relasyon, magkakatuluyan pa rin sila sa huli. Yung tipong Cinderella story na ginawang Pinoy.

Pangako Sa 'Yo

Walang Hanggan


Ang mga binanggit ko rito ay kaunti lamang sa maraming pattern na nakikita sa isang tipikal na Filipino teleserye. Kahit gaano man katipikal o ka-predictable ang mga dramang ito, lagi itong magiging parte ng ating kultura bilang Pilipino. Binigyan tayo nito ng pagkakataong tumawa, umiyak, makilig, at mainis sa mga bida at kontrabida. May ilan ding mga leksiyon tayong nakuha sa mga palabas na ito. Pero higit sa lahat, binigyan tayo ng pagkakakilanlan bilang Pilipino, ang pagiging maawain, mapagmahal, positibo, at iba pa.



Mga Larawan:
http://movie-posters.lucywho.com/princess-and-i-movie-posters-t8692129.html
http://stellarqueen.tumblr.com/post/1006481510/tatlumput-isang-araw-ng-pananagalog-sa-tumblr

3 comments:

  1. Mainam siguro kung magbigay ka ng halimbawa sa mga soap opera natin para sa bawat bilang na ibinigay mo bilang ilustrasyon. Kapag naayos na, saka muling ipasa sa akin ang link. Salamat!

    ReplyDelete
  2. Binibigyan kita ng isang markang pagtaas para rito. Pagbati!

    ReplyDelete