Sa pagbasa ko ng Suyuan ng Tubigan sa Fil 11 at ng graphic nobelang Don’t Touch Me, Honey, naliwanagan sa aking paningin ang malaking pagbabago ng panliligaw sa dating panahon kumpara sa kasalukuyan. Kung dati nagtatagal ng ilang linggo, buwan, o maging taon ang panliligaw ng lalaki bago ibigay ng babae ang kanyang matamis na “oo,” ngayon puwede nang tumagal lamang ang panliligaw sa loob ng isa o dalawang linggo. Kung dati sa bahay lamang ng babae puwedeng umakyat ng ligaw ang isang lalaki, ngayon puwede na kahit saan makapanligaw ang lalaki sa isang babae. Maaari nang makapanligaw ngayon sa paaralan, sa mall, sa mga kainan, sa parke, at kung saan pa. Maari na ring manligaw ang isang babae sa lalaki, isang bagay na mahirap isipin na magagawa noong unang panahon.
Ang Tradisyonal na Panliligaw
Stage 1: Pagpaalam sa magulang
Magpapaalam muna ang manliligaw na lalaki sa tatay ng nililigawan na babae kung puwedeng bumisita sa kanilang bahay.
Stage 2: Get-to-know stage ng manliligaw sa pamilya ng nililigawan
Kapag pinayagan, pupunta ang lalaki sa bahay ng babae at ipapakilala ng magulang ang kanilang anak. Dapat may dalang mga pasalubong ang manliligaw para sa pamilya ng kanyang nililigawan at sa nililigawan mismo, dahil ang panliligaw ay ginagawa hindi lamang sa babae kundi pati na rin sa pamilya nito. Hindi iniiwanan nang mag-isa ang magkasintahan at palagi may tsaperon ang babae.
Stage 3: Paninilbihan at Harana
Pagkatapos ng unang bisita, dito magsisimula ang totoong panliligaw ng lalaki sa babae. Maninilbihan siya sa pamilya ng babae para ipakita sa kanila at sa babae ang kanyang matapat at taos-pusong intensyon at pagmamahal para sa babae. Ilang halimbawa ng paninilbihan ay ang pagsibak ng kahoy na panggatong, pag-igib ng tubig mula sa balon, atbp.
Sa gabi, manghaharana ang lalaki sa labas ng bahay ng babae kasama ang kanyang mga kaibigan bilang back-up. Kakanta at maghihintay sila hanggang pagbuksan ng babae ang bintana at imbitahin sila sa loob ng bahay. Kadalasan kasama ng dalawang nagliligawan ang kanilang mga kaibigan o pamilya. Itinuturing na hindi angkop ang pag-iwan ng isang ‘di kasal na magkatipan nang mag-isa kahit ano man ang kanilang edad.
Stage 4: Pagtanggap ng babae
Pagkatapos ng mahabang panahon ng paninilbihan at mga harana, sa wakas puwede nang tanggapin ng babae ang pag-ibig ng lalaki. Sa estadong ito, puwede na silang magsimulang mag-date sa publikong lugar pero lagi pa ring may kasamang tsaperon. Pupunta pa rin sa bahay ng babae ang lalaki para manilbihan sa pamilya ng minamahal na babae.
Stage 5: Pamamanhikan o Paghingi ng Kamay
Kung sa palagay ng lalaki ay handa na siyang lumagay sa tahimik, pupunta siya sa bahay ng babae kasama ang kanyang mga magulang para hingin ang kamay ng babae sa mga magulang nito. Magdadala rin sila ng maraming pagkain at regalo bilang dote para ibigay sa mga magulang ng babae. Ang dalawang pamilya ay hahantong sa isang kasunduan at sila ang magpaplano ng kasal.
Sa Pilipinas, ang pamilya ng lalaki ay ang nagbibigay ng dote at hindi ang pamilya ng babae. Ito ay dahil binibigyan ng mataas na halaga ang kababaihan sa ating lipunan at hindi madali para sa magulang ang ipakasal ang kanilang dalaga.
Ang Modernong Panliligaw
Stage 1: Magkaibigan
Kadalasan, magiging magkaibigan muna ang lalaki sa babae at makikiramdam kung may pagtingin din ang babae sa kanya. Lalabas muna sila bilang barkada kasama ang iba pang mga kaibigan hanggang sa madalas na silang magkatabi at nagkukuwentuhan tuwing lalabas ang grupo.
Stage 2: Mag-MU (“Mutual Understanding”)
Ito ay isang relasyon na higit sa kaibigan pero hindi pa “sila”. May pagtingin sila sa bawat isa subalit malaya silang makipagkilala sa iba at wala silang obligasyon na maging tapat sa isa’t isa. Hindi rin kailangang magpaalam kung may gagawin o pupuntahan ang isa.
Stage 3: “Sila na.”
Kung sinagot na ng babae ang lalaki, ang dalawang ito ay magkasintahan na. Kilala rin ito sa tawag na “sila na.” Ito ang estado kung saan mayroon ng commitment ang dalawang nag-iibigan. Hindi na puwedeng makipag-date ang lalaki sa ibang babae samantalang ang babae naman ay hindi na puwedeng tumanggap ng ibang manliligaw.
Sa paglipas ng panahon, umiba na talaga ang panliligaw.
Ang pagpapahayag ng pag-ibig at panliligaw na dinadala sa paninilbihan at harana ay ginagawa ngayon sa pamamagitan ng pagtetext sa cellphone at pagchachat ng online sa internet.
Mas mabilis na ngayon nangyayari ang panliligaw. Naging mas impormal na ito. Ang mga binata at dalaga ngayon ay hindi na nangangailangang magpaalam sa kanilang magulang upang lumabas. Ang mga babae na nga kung minsan ang naghahabol sa mga lalaki. Kadalasan, ang mga boyfriend at girlfriend ay kumikilos nang parang mag-asawa na. Sa madaling salita, umiigsi ang estado ng ligawan sa pagitan ng isang babae at lalaki at lumalabas na parang hindi na gaanong nabibigyan ng kahalagahan ang kultura ng panliligaw.
Noon, ang mga magulang ang unang nakakaalam sa mga manliligaw ng anak nilang babae at pati sila ay nililigawan din. Ngunit ngayon, sila na ang huling nakakaalam.
Ang pag-ibig at panliligaw noon ay sagrado. Sa kasalukuyan, ang moralidad ay napunta sa isang tabi at ang kabataan ay naging mas liberal sa kung ano man ang gusto nilang gawin.